Ang Unang Republikang Pilipino (opisyal na tinawag na República Filipina)[1] ay ang pamahalaan ng Pilipinas na itinatag kasabay ng paghahayag ng Saligang Batas ng Malolos noong Enero 23, 1899 sa Malolos, Bulacan hanggang sa pagdakip at pagsuko ni Emilio Aguinaldo, sa mga sundalong Amerikano noong Marso 23, 1901 sa Palanan, Isabela, na nagtapos sa Unang Republika. Ito ang unang republikang itinatag sa Asya ng mga Asyano.
Ang pagtatatag ng Unang Republika ng Pilipinas ang naging pinakamahalagang pangyayari sa himagsikan ng mga Pilipino laban sa pamamahala ng mga Kastila. Ipinahayag ang kalayaan noong Hunyo 12, 1898 at ang pamahalaang diktatoryal na umiiral noon ay pinalitan ng pamahalaang panghimagsikan na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo bilang pangulo noong Hunyo 23, 1898. Nagkaroon ang republikang ito ng Kongreso na nagsilbing tagapayo ni Aguinaldo.
Kasaysayan
Mga naunang uri ng pamahalaan
Maraming mga uri ng pamahalaan ang ginamit ng mga rebolusyonaryo. Itinatag ni Emilio Aguinaldo ang pamahalaan sa Biak-na-Bato noong 1 Nobyembre 1897 na nagpatapon sa mga pinuno ng himagsikan sa Hong Kong. Nang bumalik sila sa Pilipinas, itinatag niya ang pamahalaang diktatoryal upang ipawalang-bisa ang pamahalaan sa Biak-na-Bato (Junta ng Hong Kong). Pinalitan ang pamahalaang diktatoryal ng pamahalaang rebolusyonaryo noong 23 Hunyo 1898. Ipinagtibay ang Constitución Política de la República Filipina noong 21 Enero 1899 sa Simbahan ng Barasoain. Matapos ang dalawang araw, itinatag ang republika na pinamunuan ni Aguinaldo.
Naging kaalyado ng Estados Unidos ang republika laban sa mga Espanyol, ngunit naging malinaw ang naging hangarin nito na makuha ang Pilipinas. Tumaas ang tensiyon ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano hanggang sa sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 4 Pebrero 1899. Nang makuha ng mga Amerikano ang Malolos, lumikas si Aguinaldo patungo sa Hilagang Luzon. Binuwag niya ang sandatahang lakas at umasa sa pakikipaglaban ng mga gerilya. Nadakip si Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 ng mga Amerikanong sundalo na pinamunuan ni Heneral Frederick Funston. Nanumpa si Aguinaldo ng katapatan noong Abril 1, at tuluyang nagwakas ang unang republika. Ngunit matapos ang pagbagsak ng republika, marami pa rin ang nakipaglaban para sa kalayaan.