Ang Praga (Tseko: Praha; Ingles: Prague) ay ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng Republikang Tseko.[5] Matagpuan sa hilagang-kanluran ng bansa sa Ilog Moldava, ang lungsod ay tinitirhan ng kulang-kulang na 1.3 milyong tao, habang ang kalakhan nito ay tinatayang may populasyon na higit pa sa 2.3 milyon.[6] Ang lungsod ay may klimang temperate oceanic na may maiinit na tag-araw at malalamig na tag-ulan.
Ang Praga ay isang sentrong pampolitika, pangkultura at pang-ekonomiya ng Europa at lalo na ng gitnang Europa sa loob ng 1,100 taon nitong pag-iral. Sa ilang mga siglo, noong panahon ng Gotiko at ng Renasimiyento, ito ay nagsilbing trono ng dalawang Banal na Romanong emperador at sa gayon ay naging kabisera rin ng Banal na Imperyong Romano. Pagkatapos, ito ay isang mahalagang lungsod sa Dinastiyang Habsburgo at sa Imperyong Austro-Unggaro, at matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig ay naging kabisera ng Tsekoslobakya. Ang lungsod ay gumanap sa mahahalagang papel noong Repormang Protestante, Digmaan ng Tatlumpung Taon, at noong ika-20 siglo, sa dalawang digmaang pandaigdig at mga sumunod na panahong Komunista.
Ang Praga ay kinalalagyan ng mga sikat na pasyalang pangkultura, marami sa mga ito ay naligtas mula sa mga pagkakawasak sa Europa noong ika-20 siglo. Ang mga pangunahing mga pasyalan ay ang Kastilyo ng Praga, ang Tulay ni Carlos, ang Lumang Plasa, ang Pamayanang Hudyo, ang Pader ni John Lennon at ang Burol ng Petřín. Noong 1992, ang malawak na lumang kabayanan ng Praga ay napasali sa listahan ng mga Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO.
Ang Praga ay nagtataglay ng higit sa sampung pangunahing museo, bukod sa maraming mga teatro, tanghalan, sinehan at iba pang mga makasaysayang bagay-bagay. Isa pa, ang Praga ay kinalalagyan ng maraming uri ng paaralang publiko at pribado, tulad ng tanyag na Pamantasang Karolina. Ang mayamang kasaysayan nito ang nagdudulot ng kasikatan nito sa mga turista, ang ang lungsod ay tumatanggap ng higit sa 4.1 milyong turistang dayuhan taun-taon, base sa 2009.[7][8] Ang Praga ay kinikilala bilang isang global city.
Isang makabagong sistema ng transportasyong pampubliko ang nagpapatakbo sa lungsod. Ang Praga ay mapupuntahan din sa pamamagitan ng daan, tren o eroplano.
↑Tanggapan ng Estadistika ng Republikang Tseko (2012 [huling pagsasapanahon]). "Statistical bulletin"(PDF). czso.cz. Inarkibo mula sa orihinal(PDF) noong 10 Agosto 2012. Nakuha noong 26 Enero 2012. {{cite web}}: Check date values in: |year= (tulong)CS1 maint: year (link)