Ang Ukranya (Ukranyo: Україна, tr. Ukraïna) ay bansa sa Silangang Europa. Hinahangganan ito ng Biyelorusya sa hilaga, Rusya sa silangan at hilagang-silangan, Polonya, Eslobakya, at Ungriya sa kanluran, at Rumanya at Moldabya sa timog-kanluranl; mayroon din itong baybayin sa kahabaan ng Dagat Itim sa timog at Dagat ng Azov sa timog-silangan. Sumasaklaw ng humigit-kumulang 600,000 km2 at may pregerang populasyon na tinatayang 41 milyon, ito ang ikalawang pinakamalaki at naging ikawalong pinakamataong bansa sa kontinente. Ang kabisera at pinakamalaking lungsod nito ay Kyiv.
Nagsimula ang kasaysayan ng Ukranya noong taong 882 sa pagkakatatag ng Rus ng Kyiv, isang pederasyon ng mga Silangang Eslabong tribo, na naging pinakamakapangyarihang estado sa Europa noong ika-11 siglo. Sa kalaunan ay nagkawatak-watak ito sa mga magkaribal na lakas na humantong sa pagsalakay ng mga Mongol noong ika-13 siglo. Pinartisyon ang area at hinarian sa sumunod na 600 taon ng iba't ibang dayuhan estado tulad ng Mankomunidad ng Polonya-Litwanya, Imperyo ng Austria, Imperyong Otomano, at Tsaratong Moscovita. Lumitaw ang Hetmanatong Kosako noong ika-17 dantaon sa Ukranyang sentral, ngunit hinati ito sa pagitan ng Rusya at Polonya, at sa huli'y sinama sa Imperyong Ruso. Sumibol ang nasyonalismong Ukranyo kasunod ng Himagsikang Ruso noong 1917 at nabuo ang panandaliang Republikang Bayan. Kinonsolida ng mga Bolshebista ang karamihang teritoryo ng yumaong imperyo, at kabilang na rito ang Ukranya kung saan nagkaroon ng Republikang Sosyalistang Sobyetiko, na naging kasaping konstituyente at pundador ng USSR. Noong unang bahagi ng dekada 1930, milyun-milyon ang nasawi sa malawakang artipisyal na taggutom na tanyag na kilala na Holodomor. Pansamantalang linupig ang bansa ng Alemanyang Nazi noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nagdulot sa malawakang pagpatay ng mga mamamayan, karamihan ay Hudyo, bilang bahagi ng Holokausto. Muling nakamit ng Ukranya ang kasarinlan nito noong Agosto 1991, at dineklara ang sarili na neutral.
Nagtibay ito ng bagong konstitusyon noong 1996, at mula noo'y sumailalim ng prosesong transisyonal na de-komunisasyon tungo sa demokrasya at ekonomiyang pamilihan. Kasunod ng desisyon ni pangulong Viktor Yanukovych noong 2013 na tanggihan ang pinag-usapang kasunduang asosasyon sa Unyong Europeo at sa halip ay palakasin ang ugnayan sa Rusya ay naganap ang Euromaidan, isang serye ng pagpoprotesta na dumulot sa pagtatalaga ng bagong pamahalaan sa Himagsikan ng Dignidad. Ginawang oportunidad ng Rusya ang sitwasyon upang sakupin ang Crimea noong Marso 2014 at simulan ang digmaan sa Donbas sa sumunod na buwan. Lahat nang ito'y sanhi sa paglusob ng Rusya sa buong bansa noong Pebrero 2022. Dahil dito'y patuloy na naghahangad ang Ukranya ng mas malapit na relasyon sa UE at OTAN.
Estadong unitaryo ang Ukranya sa ilalim ng sistemang semi-presidensyal. Kinakategorya na bansang umuunlad, nagraranggo ito bilang ika-77 sa Talatuntunan ng Kaunlarang Pantao. Isa itong miyembrong tagapagtatag ng mga Nagkakaisang Bansa, gayundi'y kabilang sa Konseho ng Europa, Pandaigdigang Organisasyon ng Pangangalakal, at OSKE. Ang opisyal na wika nito ay Ukranyo, at ang nangingibabaw na relihiyon ay Kristiyanismo, partikular na Silangang Ortodoksiya. Noong Enero 2023 ay tinantya ng ONB ang kasalukuyang populasyon nito sa 34.1 milyon, na naitalang may mababang antas ng kapanganakan. Kasama ang Moldabya, ito ang may pinakamababang kapantayan ng lakas ng pagbili at kabuuang domestikong produkto sa Europa. Dumudusa ito sa matataas na antas ng kahirapan, gayundin sa malawakang korapsyon; gayunpaman, dahil sa maramihan at matabang nitong lupang sakahan, isa ang bansa sa mga pinakamalaking nagluluwas ng butil sa mundo.
Mga sanggunian
Ang lathalaing ito na tungkol sa Bansa at Ukraine ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.