Ang Gitnang Java (Indones: Jawa Tengah; Javanes: Jåwå Tengah; Hanacaraka: ꦗꦮꦠꦼꦔꦃ) ay isang lalawigan ng Indonesia, matatagpuan sa gitna ng pulo ng Java. Semarang ang administratibong kabisera nito. Napapaligiran ito ng Kanlurang Java sa kanluran, ang Karagatang Indiyano at Espesyal na Rehiyon ng Yogyakarta sa timog, Silangang Java sa silangan, at ang Dagat Java sa hilaga. May kabuuang sukat ito na 32,800.69 km², na may populasyon na 36,516,035 ayon sa senso noong 2020 [1] na ginagawang ikatlong pinakamataong lalawigan sa parehong Java at Indonesia pagkatapos ng Kanlurang Java at Silangang Java. Kabilang din sa lalawigan ang pulo ng Nusakambangan sa timog (malapit sa hangganan ng Kanlurang Java), at ang Kapuluang Karimun Jawa sa Dagat Java. Isa ring konseptong pangkalinangan ang Gitnang Java na kinakabilangan ng Natatanging Rehiyon at lungsod ng Yogyakarta. Bagaman, sa pamamahala, may nabuo ang lungsod at palibot nitong rehensiya na hiwalay na natatanging rehiyon (katumbas ng isang lalawigan) simula noong lumaya ang bansa, at pinapamahalaan ito ng hiwalay. Bagaman kilala bilang "puso" ng kalinangang Javanes, may mga ilang ibang di-Javanes na pangkat etniko, tulad ng mga Sunda sa hangganan nito sa Kanlurang Java. Nakakalat sa buong lalawigan ang mga Tsino Indonesiyo, Arabe Indonesiyo, at Indiyano Indonesiyo.
Nanirahan din sa lalawigan ang mga tao simula noong panahon bago ang kasaysayan. Natagpuan ang mga labi ng isang Homo erectus, kilala bilang "Taong Java", sa mga pampang ng Ilog Bengawan Solo, at pinetsahan na nabuhay ang Taong Java noong 1.7 milyong taong nakaraan.[2] Ang ngayo'y Gitnang Java ay dating na sa ilalim ng kontrol ng ilang mga kahariang Hindu-Budista, sultanatong Islamiko, at ang Silangang Indiyas ng Olanda na pamahalaang kolonyal. Gitnang Java din ang sentro ng kilusang kalayaan ng Indonesia. Habang ang mayorya ng kasalukyang mga Indonesiya ay may lahing Javanes, may isang malaking epekto ang parehong Gitnang Java at Silangang Java sa panlipunan, pampolitika, at ekonomikong buhay ng Indonesia.
Sa bisperas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1942, nahati ang Gitnang Java sa pitong paninirahan o residensya (Olandes: residentie o residenties sa maramihan, Javanes karésiḍènan or karésidhènan) na higit kumulang na tumutugma sa mga pangunahing rehiyon ng lugar na ito. Ang mga residensyang ito ay Banjoemas, Kedoe, Pekalongan, Semarang, at Djapara-Rembang gayon din ang tinatawag na Gouvernement Soerakarta at Gouvernement Jogjakarta. Bagaman, pagkatapos ng lokal na halalan noong 1957, nabawasan ang ginampanan ng mga residensyang ito hanggang nawala na rin sila sa wakas.[3]
Noong 2021, nahati ang Gitnang Java (kabilang ang Espesyal na Rehiyon ng Yogyakarta) sa 29 rehensiya (kabupaten) at anim na mga lungsod (kota, dating kotamadya at kota pradja), ang huli ay malaya sa kahit anumang rehensiya. Hindi kinikilala ng Pamahalaan ng Indonesia ang lugar sa Timog-silangan (Solo) na dating Surakarta Sunanate hanggang noong monarkiya. Karagdagan pang mahahati ang mga kapanahong rehensiya na ito sa 565 distrito (kecamatan). Nahahati pa ang mga distrito na ito sa 7,804 rural na mga komuna o "nayon" (desa) at 764 urbanong komuna (kelurahan).[4]
Nakatala ang mga distrito sa ibaba sa kanilang mga lugar at populasyon noong mga senso ng 2000, 2010 at 2020, at nakagrupo (para sa kaginhawaan) ayon sa wala na ngayong residenties na kung saan dating matatagpuan.
Mga pananda
Lumalabas na ngayon ang mga rehensiya sa pormal na ayos na inatas ng Lupon ng Estadistikang Indonesiyo (Badan Pusat Statistik).
Ang katamtamang temperatura ng Gitnang Java ay nasa pagitan ng 18–28 °C (64–82 °F) at nag-iiba ang relatibong kahalumigmigan sa pagitan ng 73–94%.[4] Habang mataas ang kahalumigmigan sa karamihan ng mga mababang lugar ng lalawigan, makabuluhang bumababa ito sa matataas na bundok.[4] Naitala sa Salatiga ang pinakamataas na katamtamang taunang dami ng ulan sa 3,990 mm na may 195 araw na maulan.[4]