Ang gamelan (Balines: ᬕᬫ᭄ᬩᭂᬮ᭄ᬮᬦ᭄; Javae: ꦒꦩꦼꦭꦤ꧀, romanisado: gamelan (sa rehistrong ngoko), ꦒꦁꦱ, gangsa (sa rehistron
| Pag-uuri |
|
|---|---|
| Gumawa | Indonesya[1] |
Ang gamelan (Balines: ᬕᬫ᭄ᬩᭂᬮ᭄ᬮᬦ᭄; Javae: ꦒꦩꦼꦭꦤ꧀, romanisado: gamelan (sa rehistrong ngoko), ꦒꦁꦱ, gangsa (sa rehistrong krama)) ay ang tradisyonal na pangkatang musika ng mga Habanes, Sunda, at Balines ng Indonesya, na binubuo ng mga instrumentong pinapalo.[2][3] Ang mga pinakakaraniwang instrumentong ginagamit ay metalopono (na may pantugtog na pamukpok) at isang grupo ng mga kendang, na siyang mga tambol na pangkamay, na nagpapanatili ng tiyempo. Sa Bali, karaniwan ding ginagamit ang mga instrumentong kemanak, isang hugis-saging na idyopono, at ang gangsa, isa pang metalopono. Kabilang sa iba pang mga kapansin-pansing instrumento ang saylopon, plawtang kawayan (katulad ng Indiyanong bansuri), isang instrumentong de-kuwerdas na tinatawag na rebab na tinutugtog gamit ang arko (medyo kahawig ng gadulka ng Bulgarya), at isang malasitarang instrumento na tinatawag na siter, na ginagamit sa gamelang Habanes. Bukod pa rito, maaaring itampok ang mga bokalista, na tinatawag na sindhen kung babae o gerong kung lalaki.[4]
Bagama't bumaba nang kaunti ang kasikatan ng gamelan dahil sa pagpasok ng modernong popular na musika sa Indonesya, malawakang pinahahalagahan pa rin ang sining na ito, at karaniwan pa rin itong itinutugtog sa maraming mga tradisyonal na seremonya. Maaari rin itong tugtugin bilang aliwan sa ilang modernong okasyon tulad ng mga opisyal na pagtitipong pangkultura, pangkorporasyon, pampamahalaan o pang-edukasyon, mapa-pormal man o impormal. Kinaugalian ding likhain at tugtugin ang gamelan bilang saliw sa mga relihiyosong ritwal, seremonya, teatrong pansayaw, sayaw-drama, tradisyonal na teatrong Indones, papetang wayang, awitan, konsiyerto, pista, eksibisyon, at marami pang iba. Malawakang itinuturing ang gamelan bilang napakahalagang bahagi ng kulturang Indones.[5]
Noong 2014, kinilala ang mga tradisyon ng gamelan bilang bahagi ng Pambansang Di-mahahawakang Pamanang Kultural ng Indonesya ng Ministeryo ng Edukasyon at Kultura ng Indonesya.[6]
Noong ika-15 ng Disyembre 2021, naisama ang gamelan sa Representatibong Listahan ng Di-nasasalat na Pamanang Kultural ng Sangkatauhan ng UNESCO. Nakabatay ang nominasyon sa kaugnayang arkeolohiko nito sa Borobudur, at binibigyang-diin din nito ang papel ng lugar sa pagpapalalim ng pambansang pagkakakilanlan at pagmamalaki, pati ang mga aspetong pangkapakanan gaya ng kalusugan ng isip, paglinang ng kasanayang interpersonal, at ang ugnayan sa pagitan ng kosmolohiya nito at ng etikang nakabatay sa paggalang at pangangalaga sa isa't isa. Binubuo ang listahan ng gamelang Habanes (gamelan jawa) ng Gitnang Haba at Espesyal na Rehiyon ng Yogyakarta, gamelang Balines (gamelan bali) ng Bali, gamelang Sunda (gamelan sunda) ng Kanlurang Haba, gamelang Madures (gamelan madura) at gamelang Banyuwangyano (gamelan banyuwangi) ng Silangang Haba, gendang beleq ng Kanlurang Nusa Tenggara, gamelang Banyares (gamelan banjar) ng Timog Kalimantan, gamelang peking ng Lampung, at talempong ng Kanlurang Sumatra bilang Mga Obra Maestra ng Pasalita at Di-nasasalat na Pamana ng Sangkatauhan mula sa Indonesya. Naghikayat ito sa mga mamamayan ng Indonesya at sa pamahalaan ng Indonesya na pangalagaan, ipamana, isulong, at paunlarin ang gamelan.[7]
Hinango ang salitang gamelan mula sa salitang Habanes na gamel (ꦒꦩꦼꦭ꧀) sa rehistrong ngoko, na nangangahulugan ng pagtugtog ng mga instrumentong pinapalo o sa kilos ng pagpupukpok gamit ang malyete, at nilagyan ng hulaping -an upang mabuo ang pangngalang ito.[8]: 225 [9][4][10] Sa wikang Sunda, degung ang salita para sa gamelan, isang lumang termino na tumutukoy sa mga gong at pangkat ng mga gong. Dahil dito, maisasabi na kasingkahulugan ang mga salitang degung at gong ng salitang gamelan. Gayundin, ang ekspresyong gamelan degung ay maaaring tumukoy sa isang pangkat ng gamelan na nakatono sa eskalang tinatawag na degung.[11] Tumutukoy ang terminong karawitan (ꦏꦫꦮꦶꦠꦤ꧀)[8]: 619 sa klasikong tugtugan at pag-eensayo ng gamelan. Nanggaling ito sa salitang Habanes na rawit (ꦫꦮꦶꦠ꧀)[8]: 619 na may pinagmulan sa Sanskrito at may kahulugang 'masalimuot' o 'pinong pagkagawa',[10] na tumutukoy sa pagkalamyos at pagkaelegante na inuuliran sa musikang Habanes.
Informasi ini disarikan dari Wikipedia dan disajikan kembali untuk tujuan edukasi. Konten tersedia di bawah lisensi CC BY-SA 3.0. Kami tidak bertanggung jawab atas ketidakakuratan data yang bersumber dari kontribusi publik tersebut.