Ang utang o hiram ay isang pananagutan na hinihingan ang isang partido, ang nangungutang, na magbayad ng salapi o iba pang nagpagkasunduang halaga sa isa pang partido, ang nagpapautang. Isang ipinagpaliban na bayad o serye ng mga bayad ang utang na ipinagkakaiba mula sa kaagad na pagbayad sa nabili. Maaring magkaroon ng utang ang isang malayang estado o bansa, lokal na pamahalaan, o isang indibiduwal. Karaniwang sumasailalim ang mga utang komersyal sa mga tuntunin ng kontrata na nagasaad tungkol sa halaga at takdang araw ng pagbabayad ng prisipal at tubo.[1] Ang pautang (loan sa Ingles), bono (o bond), bale (o note; tulad ng isang promissory note), at sangla (o mortgage) ay mga uri ng utang. Sa pinansyal na akawnting, isang uri ng pinansyal transaksyon ang utang, na naiiba sa ekwidad.
Maari din metaporikal o patalinhagang gamitin ang katawagan upang sakupin ang panunugutang moral at ibang interaksyon na nakabatay sa halaga ng pera.[2] Halimbawa, sa mga kalinangang Kanluranin at sa kalinangang Pilipino, ang isang tao na tinulugan ang isa pang tao, ay minsan sinasabing may utang na loob ang taong tinulungan sa tumulong sa kanya.
Ayon sa National Baseline Survey on Financial Inclusion (Pagsukat ng Pambansang Basehan sa Pagsasaling Pinansyal) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2015, halos kalahati (47.1%) ng mga adultong Pilipino ang may pagkakautang.[9] Samantalang, nasa 33.8% ang nagkaroon ng pagkakautang noong nakaraan at hindi na umutang pa muli, at nasa 19.1% lamang ang hindi kailanman umutang.[4][9] 54.3% ng mga hindi kailaman umutang ang nagsasabing hindi talaga nila kailangang umutang samantalang 16% ang nais umutang subalit hindi magawa dahil wala silang prenda o garantiya.[9] Ang tatlong pangunahing kadahilanan ng pagkakaroon ng utang ayon sa survey ay upang makabili ng pagkain, bayaran ang mga pangangailan sa eskuwela, at emerhensiya sa pananalapi.[3][9]
Dagdag pa ng survey noong 2015 ng BSP, kadalasang impormal na umuutang ang mga Pilipino sa mga kamag-anak, kaibigan at nagpapautang di-pormal na nasa kabuuang 72%.[10] Mababang bahagdan ang umuutang sa bangko, kompanyang pinagtatrabahuan, mga pangkat ipunan, at sanglaan na nasa kabuuang 8.6% lamang.[9] Bagaman noong pandemya ng COVID-19, maraming Pilipino ang umasa sa mga sanglaan upang gumaan ang kanilang pangangailangan sa pananalapi.[11] Anim sa sampung Pilipino ang nagsangla ng kanilang pagmamay-ari sa kabila ng mga lockdown (o pagsasara) noong panahon ng pandemya.[12] Sa may mga utang noong panahon ng pandemya, 70% ang nagimbal ang isip (o nai-stress) sa kanilang mga utang.[13]
Isa sa mga di-pormal na nagpapautang ang mga Bombay (o mga Indiyanong nanirahan sa Pilipinas) at tinatawag ang kanilang pautang bilang 5-6.[10] Bagaman, hindi lahat nagpapautang ng 5-6 ay may lahing Indiyano.[10] Tinatawag itong 5-6 dahil ang utang na limang piso ay kailangang bayaran ng anim na piso na kasama ang isang pisong tubo.[14] Kaya, ang interest rate (o singil ng interes) ay nasa 20%.[14] Karaniwang araw-araw ang paniningil ng mga nagpapautang ng 5-6 na kailangan makumpleto ang bayad sa isa hanggang tatlong buwan.[15] Labag sa batas ang ganitong uri ng pagpapautang at noong 2019, bumaba ang ganitong kalakaran dahil nagkampanya ang pamahalaan ng Pilipinas ng pagsawata sa nagsasagawa ng 5-6.[16]
Ang isa pang paraan para umutang ang pagkaroon ng kard ng utang[pananda 1][17] o credit card. Noong 2020, mayroon nang na-isyu na 10 milyong credit card sa Pilipinas na karaniwan sa may hawak nito ay mayroong higit sa isang credit card.[18] Bagaman nagkaroon ng kabuuang singil na P 866.9 bilyon sa unang siyam na buwan ng 2019 ang credit card, mababa ang bahagdan ng nagmamay-ari ng credit card sa Pilipinas ayon sa datos ng Bangkong Pandaigdig noong 2017 na sa 2% lamang.[18] Sa parehong datos, mas malaki ang bahagdan (nasa 5%) ng mga nanghihiram na may pitakang elektroniko (electronic wallet) na ginagamit sa transaksyong online.[18]
Isa sa mga negatibong pag-iisip sa pagpapautang sa kapwa Pilipino ay hindi pagbabayad ng mga nangungutang.[3] Nahihirapan ang ibang nagpapautang na idemanda ang mga may utang sa kanila na hindi nagbabayad dahil ayon sa Artikulo III (Katipunan ng Karapatan) Seksyon 20 ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987 na walang makukulong dahil sa pagkakautang.[19] Bagaman, maari pa rin makulong ang nangutang kung tumalbog ang naibayad na tseke o kaya'y nanloko ito.[20] Negatibong pagkaunawa din ang "masamang utang" (o bad debt) kung saan nangungutang ang isang tao para pambayad ng ibang utang.[17] Hindi din maganda ang pagtingin sa pag-utang muli kahit may mga utang pa rin na hindi nababayaran.[5] Nakikitang abuso o iresponsible ang mga negatibong nakakabit sa pangungutang.[5] Para alisin ang mga negatibong dulot ng utang, may mga kampanya sa wastong pag-utang ang naisagawa[21] at isa dito ang pagtuturo ng karunungang pinansyal (o financial literacy),[17] pamahalaan ang kanilang pananalapi ng maayos,[17] humiram ng kayang bayaran,[3] at pagbayad sa takdang araw na nagpakasunduan.[3] Noong 1995, inihayag ng noo'y Pangulo ng Pilipinas na si Fidel V. Ramos ang Abril 24 hanggang 30 bilang Linggo ng Kamalayan sa Utang (Credit Consciousness Week) sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 568 na naglayon ng wastong pag-utang.[22]
↑Superior Court of Pennsylvania (1894). "Brooke et al versus the City of Philadelphia et al". Weekly Notes of Cases Argued and Determined in the Supreme Court of Pennsylvania, the County Courts of Philadelphia, and the United States District and Circuit Courts for the Eastern District of Pennsylvania (sa wikang Ingles). 34 (18). Kay and brother: 348.