Ang Programang Artemis ay isang programa na pinangungunahan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng Estados Unidos, na naglalayong ibalik ang

Ang Programang Artemis ay isang programa na pinangungunahan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng Estados Unidos, na naglalayong ibalik ang mga tao sa Buwan sa unang pagkakataon simula noong programang Apollo.[1][2][3]
Layunin nitong palawakin ang paggalugad ng tao sa Buwan, magsagawa ng mga siyentipikong pag-aaral, at matatag ng pangmatagalang presensiya ng tao sa ibabaw at paligid nito. Ang programang ito ay gagamitin din bilang paghahanda para sa mga hinaharap na misyon ng tao papuntang Marte.[2][4]
Ang pangunahing sasakyan ng Artemis ay ang Space Launch System (SLS), isang rocket, at ang Orion, isang sasakyang pangkalawakan.[2] Ang SLS ang naglulunsad sa Orion at sa mga astronaut patungo sa Buwan, habang ang Orion ang nagdadala at nagbabalik ang mga astronaut sa Daigdig. Sa hinaharap, gagamit din ang mga misyon ang Human Landing System (HLS) upang maghatid mg mga astronaut mula sa orbitong lunar patungo sa ibabaw ng Buwan.[5][6]
Nagsimula ang programang Artemis noong 2017.[7] Ito ay nilikha sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng maraming programang sinimulan mula noong 2009 ng Estados Unidos habang sinusubukan nitong bumalik sa Buwan. Noong Mayo 2019, opisyal na pinangalanang "Artemis" ang programa mula sa kakambal na kapatid ni Apollo mula sa sinaunang mitolohiyang Griyego.[8][9][10]



Ang Artemis I ay inilunsad noong ika-16 ng Nobyembre 2022 nang walang mga astronaut at sinubukan ang SLS, Orion, at iba pang pangunahing sistema.[4][13][14] Ang pangunahing layunin nito ay subukan ang sasakyang pangkalawakan na Orion, lalo na ang panangga nito sa init, bilang paghahanda para sa mga susunod na misyon ng Artemis. Natapos ang paglipad noong Disyembre 11 at lumapag ang Orion sa Karagatang Pasipiko.[15]
Ang Artemis II ang unang misyon ng Artemis na may mga astronaut at lumipad sa paligid ng Buwan bago bumalik sa Daigdig.[4][16] Ito ay isang paglipad paikot sa Buwan at ang unang paglipad sa kalawakan sa labas ng mababang orbito ng Daigdig mula noong Apollo 17 noong 1972. Inilunsad ito noong ika-1 ng Abril 2026 at isa itong test flight na sumusuporta sa misyong Artemis IV na naglalayong ibalik ang mga tao sa ibabaw ng Buwan.[17] Itinala ang rekord bilang pinakamalayong distansya ng paglipad sa kalawakan na naabot ng mga tripulante mula sa Daigdig, na humigit-kumulang 252,756 milya (o nasa 406,771 km).[18][19][20] Bumagsak ang Artemis II sa Karagatang Pasipiko noong Abril 10 (Abril 11 sa Pilipinas ayon sa Pamantayang Oras ng Pilipinas), na nagtapos sa siyam na araw na paglalakbay nito sa paligid ng Buwan.[21]
Ang Artemis III, na kasalukuyang nakatakda sa huling bahagi ng 2027, ay ang susunod na misyon ng Artemis na nakatuon sa pagsubok ng mahahalagang sistema para sa mga susunod na paglapag sa Buwan.[22][23][24] Ang misyon ay idinisenyo bilang isang demonstrasyon ng paglipad sa mababang orbito ng Daigdig sa halip na isang paglapag sa Buwan.[4] Susubukan nito ang mga operasyon ng pagtatagpo at pagdaong sa pagitan ng Orion at mga bersiyong pansubok ng sasakyang pangkalawakan ng Human Landing System.[25]
Ang Artemis IV, na pinaplanong ilunsad sa unang bahagi ng 2028, ang unang misyon ng Artemis na magdadala ng mga astronaut pabalik sa ibabaw ng Buwan.[4][26] Minamarkahan nito ang unang paglapag sa Buwan na may mga astronaut mula noong Apollo 17 noong 1972.[27]

Kasama rin sa programang Artemis ang Gateway, isang maliit na estasyon sa orbito ng Buwan na orihinal na idinisenyo bilang lugar para sa pananaliksik, pagdaong ng mga sasakyang pangkalawakan, at pagsuporta sa mga misyon sa ibabaw ng Buwan.[28] Gayunman, noong Marso 2026, inanunsyo ng NASA na ihihinto ang Gateway sa kasalukuyang anyo nito at ililipat ang pokus sa pagtatayo ng mga impraestruktura para sa pangmatagalang presensiya ng tao sa ibabaw ng Buwan. Bahagi ng dahilan nito ang pagbabago ng mga priyoridad ng programa at ang pagtaas ng gastos at pagkaantala sa ilang proyekto. Ayon sa NASA, gagamitin muli ang ilang kagamitan ng Gateway kung maaari.[29][30]
Informasi ini disarikan dari Wikipedia dan disajikan kembali untuk tujuan edukasi. Konten tersedia di bawah lisensi CC BY-SA 3.0. Kami tidak bertanggung jawab atas ketidakakuratan data yang bersumber dari kontribusi publik tersebut.