Mula taong 250 hanggang taong 600 ang masasabing panahon ng Kofun sa Kasaysayan ng Hapon. Ang ibig sabihin ng kofun ay Lumang Libingan na kung saan hinalaw ito sa mga naglalakihang gabukid na mga huling himlayan ng mga Emperador sa panahong ito.
Karamihan sa mga himlayang ito ay hugis susian, at kung minsan ang iba ay ginagawan ng malaking kanal para mapalibutan ng tubig. Noong una puro mga maharlika lamang ang may gawa ng ganitong klaseng libingan pero sa bandang huling bahagi ng panahong ito, gumaya na din sa paggawa ng mga nakaumbok na libingan ang mga karaniwang tao.
Sa panahon ng Kofun umusbong ang isang aristokratang lipunan na may pinunong mapanggamit ng dahas. Ang kanilang mga mandirigma na nangangabayo ay nakasuot na ng mga balabal-pandigma, may mga espada at iba pang uri ng sandata na gumagamit na din ng mga abanteng taktikang military gaya ng mga mandirigmang makikita sa Hilagang-silangang Asya.
Ang mga ebidensiya nitong mga pag-unlad sa taktikang pandigma ay makikita sa mga libo-libong piguring isinama sa mga himlayan na karaniwang tinatawag na haniwa o mga putik na singsing. Ang mga mahahalagang haniwa ay matatagpuan sa Hilagang Honshu (lalo na sa Rehiyong Kinai malapit sa Nara) at sa Hilagang Kyushu. Maraming klaseng mga haniwa ang natagpuan, may mga hugis kabayo Naka-arkibo 2008-12-23 sa Wayback Machine., manok, isda, ibon, pamaypay, bahay, sandata, panangga, unan, lalake Naka-arkibo 2008-12-17 sa Wayback Machine. at babae[patay na link]. Maliban sa haniwa karaniwang nakikita sa mga maharlikang himlayan ay mga magatama, (pwedeng masabing abaloryo sa tagalog) ito’y mga pulseras, minsan kwintas, na may mga disenyong nakakurbadang butil na yari sa jade, agate, talc, at jasper.
Ang panahong Kofun ay kritikal sa Kasaysayan ng Hapon sa pag-unlad niya bilang isang nakakaisa at matanyag na estado. Umunlad ang lipunang ito sa Rehiyon ng Kinai sa pinakasilangan bahagi ng Seto Naikai at ang kanyang hukbo ay nasakop ang ang pinakatimog na bahagi ng Korea. Nagpetisyon pa nga ang mga maharlikang hapones sa korte ng mga Tsino bilang pagkilala sa maharlikang titulo nito na binalikan naman ng mga Tsino sa pagkilala ng kontrol ng mga Hapones sa ilang bahagi ng tungway ng Korea.
Ang kapangyarihang pampolitika ng mga Yamato ay umusbong sa huling bahagi ng ikalimang dangtaon na binuo ng mga matatanyag na mga angkan pati mga kamag-anak at ng mga umaasa sa kanila. Ang bawat angkan ay pinamumunuan ng isang patriyarko o lalaking puno na nag-aalay ng mga banal na ritwal sa Kami (diyos) ng kanilang angkan, ng sa gayon ay mapanatili ang pangmatagalang kaayusan ng buong angkan. Ang mga maharlika ng panahong iyon ay direktang kasapi ng mga angkan, at ang linya ng mga hari na kumukontrol sa Korte ng Yamato ang siyang pinakarurok ng bahagdang panlipunan.
Nagkaroon ng napakaraming palitan sa pagitan ng Japan at ng lupalop ng Asya sa huling bahagi ng Panahon ng Kofun. Matagal ng Shinto ang pananampalataya ng mga Hapones pero noong banda taong 538 nagsimulang ipinakilala sa Japan ang Budismo galing sa Korea. Dahil dito napasukan ang bansang Japan ng isang bagong doktrina ng pananampalataya.
Ang pamilyang Soga, na nakilala nang umupo sa Trono ng Chrysanthemum si Emperador Kemmei noong taong 531, ay pabor sa pagkupkop ng Budismo at mga modelong panggubyerno at pangkultura base sa Konpyusyanismo ng dinastiyang Tsino. Subalit ang ilan sa mga nasa Korte ng Yamato gaya ng Pamilyang Nakatomi na responsibilidad ang pagsasagawa ng mga ritwal ng Shinto sa korte, at ang Pamilyang Mononobe na isang angkang militar ay mariin ang pagtutol sa impluwensiya ng pananampalatayang Budismo.
Maraming samaan ng loob ang nangyari sa pagitan ng mga Nakatomi, Mononobe at Soga, pero nangibabaw ang angkang Soga at dahil dito ipinakilala pa nila ang polisyang piskalya sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang Pambansang Ingat-yaman na halaw sa dinastiyang Tsino.
Natapos ang panahon ng Kofun mga bandang taong 600, na kung saan ang paggawa ng mga magagarbong himlayan ng mga Yamato at ng iba pang mga maharlika ay di na sinunod dahil sa mga paniniwala galing sa Budismo na nagbibigay-diin sa panandaliang buhay ng tao dito sa mundo. Ang Kofun kasi ay sagisag ng habambuhay na pananatili ng mga maharlika di lamang dito sa mundo kundi sa kabilang ibayo.
Subalit ang mga karaniwang tao at mga maharlika sa mga karatig na rehiyon at malalayong lalawigan ay nagpatuloy ng gumamit ng mga kofun hanggang sa huling bahagi ng ikapitong dangtaon pero meron pa ding mas mga maliliit na Kofun na natagpuan lampas pa ng mga panahong ito.
Mga Libingan ng Kofun
Lipunan ng Kofun
Toraijin
Kultura ng Kofun
Wika