Ang paks o fax (maikli para sa facsimile), na kung minsan ay tinatawag na telecopying o telefax (maikli para sa telefacsimile), ay ang transmisyong telepono ng

Ang paks o fax (maikli para sa facsimile), na kung minsan ay tinatawag na telecopying o telefax (maikli para sa telefacsimile), ay ang transmisyong telepono ng na-iskan na nakaimprentang materyal, kapwa teksto at mga larawan, na karaniwang ipinadadala sa isang numero ng telepono na nakakonekta sa isang printer o iba pang aparatong tumatanggap ng resulta. Ang orihinal na dokumento ay ini-iskan gamit ang isang makinang paks (o telecopier), na pinoproseso ang nilalaman, teksto man o mga larawan, bilang isang solong nakapirming imaheng grapiko. Pinapalitan ito sa isang bitmap at saka ipinapadala sa pamamagitan ng sistemang telepono sa anyo ng mga tonong nasa saklaw ng dalas ng tunog. Binibigyang-kahulugan ng tumatanggap na makinang paks ang mga tono at muling binubuo ang imahe, at pagkatapos ay nag-iimprenta ng kopyang papel.[1]
Ang mga naunang sistema ay gumagamit ng tuwirang pagpalit ng antas ng dilim ng imahe tungo sa mga tonong awdyo sa tuluy-tuloy o analogong paraan. Mula dekada 1980, karamihan sa mga makina ay nagpapadala na ng isang dihital na representasyon ng pahina na nakakodigo bilang awdyo, at gumagamit ng kompresyon ng datos upang mas mabilis na maipadala ang mga bahaging puro puti o puro itim.
Sa simula, ang makinang paks ay isang produktong para lamang sa iilang gumagamit, subalit naging laganap ito sa mga opisina noong dekada 1980 at 1990.[2] Gayunman, sa malaking bahagi ay napalitan na ito ng mga teknolohiyang nakabatay sa Internet, tulad ng email at ang World Wide Web (WWW), bagaman patuloy pa rin itong ginagamit sa ilang larangan ng administrasyong medikal at ng pagpapatupad ng batas.[3]
May ilang mga tagapagpahiwatig ng kakayahan ng paks: grupo, klase, bilis ng transmisyon ng datos, at pagsunod sa mga rekomendasyon ng ITU-T (dating CCITT). Mula noong desisyong Carterfone noong 1968, karamihan sa mga makinang paks ay idinisenyo upang ikonekta sa mga karaniwang linya ng PSTN at sa mga numero ng telepono.
Ang mga Pangkat 1 at Pangkat 2 na paks ay ipinapadala sa kaparehong paraan ng isang frame (o kuwadro) ng analogong telebisyon, kung saan ang bawat na-iskan na linya ay ipinapadala bilang isang tuluy-tuloy na analogong signal. Ang pahalang na resolusyon ay nakadepende sa kalidad ng iskaner, linya ng transmisyon, at ng printer. Ang mga analogong makinang paks ay laos na at hindi na ginagawa. Ang mga Rekomendasyon ng ITU-T T.2 at T.3 ay binawi bilang laos noong Hulyo 1996.
Isang mahalagang tagumpay sa pag-unlad ng makabagong sistemang facsimile ang bunga ng teknolohiyang dihital, kung saan ang analogong signal sa mga iskaner ay ginawang digital at saka kinompres. Dahil dito, naging posible ang pagpapadala ng datos sa mataas na bilis sa pamamagitan ng karaniwang mga linya ng telepono. Ang kauna-unahang dihital na makinang paks ay ang Dacom Rapidfax, na unang ipinagbili noong huling bahagi ng dekada 1960. Isinama nito ang teknolohiyang digital na kompresyon ng datos na binuo ng Lockheed para sa transmisyon ng mga larawan mula sa mga satelayt.[4][5]
Ang mga Pangkat 3 at Pangkat 4 na paks ay mga dihital na pormat at gumagamit ng mga paraang dihital na kompresyon upang lubhang mapabilis ang oras ng transmisyon.
Ang Fax over IP (FoIP) ay maaaring magpadala at tumanggap ng mga dokumentong dati nang ginawang dihital gamit ang Rekomendasyon ng ITU-T T.38, na nagpapahintulot sa pagpapadala ng mga naka-dihital na larawan sa isang IP network sa pamamagitan ng kompresyong JPEG. Ang T.38 ay idinisenyo upang gumana kasama ng mga serbisyong VoIP at kadalasang sinusuportahan ng mga analogong adapter ng telepono na ginagamit ng mga lumang makinang paks na kailangang kumonekta sa isang serbisyong VoIP.
Ang oras ng pagproseso ng mga na-iskan na dokumento ay nalilimitahan ng tagal ng paglalagay ng dokumento ng gumagamit sa iskaner at ng oras na kailangan ng aparato upang iproseso ang isang dihital na file. Maaaring mag-iba ang resolusyon mula sa kasingbaba ng 150 DPI hanggang 9600 DPI o higit pa. Ang ganitong uri ng pagpapadala ng paks ay hindi kaugnay ng serbisyong email–tungong–fax, na patuloy na gumagamit ng mga modem ng paks kahit sa isang direksiyon man lamang.
Informasi ini disarikan dari Wikipedia dan disajikan kembali untuk tujuan edukasi. Konten tersedia di bawah lisensi CC BY-SA 3.0. Kami tidak bertanggung jawab atas ketidakakuratan data yang bersumber dari kontribusi publik tersebut.