Ang Mongolia /mong·gol·ya/ (Mongolian: Монгол Улс) ay isang bansa sa Silangan at Gitnang Asya na lubos na napapalibutan ng kalupaan. Nasa hilaga ng hangganang nito ang Russia at sa timog ang China. Kahit hindi nito kahangganan ang Kazakhstan, ang pinakakanlurang dulo nito ay 38 kilometro lang ang layo sa pinakasilangang dulo ng Kazakhstan. Ulan Bator ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng Mongolia, kung saan 45 porsiyento ng populasyon ng bansa ay dito nakatira. Ang pamahalaan ng Mongolia ay isang republikang parliyamentaryo.
Pinagharian ng iba't-ibang imperyong lagalag, kasama na rito ang Xiongnu, Xianbei, Rouran, Gokturk at iba pa ang lugar na sakop na ngayon ng Mongolia. Itinayo ni Genghis Khan ang Imperyong Mongol noong 1206. Matapos bumagsak ang Dinastiyang Yuan, bumalik sa sinaunang nilang kaugaliang pagtutunggalian ang mga Mongol at madalas na pananalakay sa mga lupaing nasa hangganan nito sa China. Noong ika-16 at ika-17 siglo, napasailalim ng impluwensiyang Budismong Tibetan ang bansa. Sa pagsasara ng ika-17 siglo, napaloob ang buong Mongolia sa teritoryong pinamumunuan ng Dinastiyang Qing. Sa pagbagsak ng Dinastiyang Qing noong 1911, nagdeklara ng kasarinlan ang Mongolia ngunit kinailangan nitong sikapin hanggang 1921 upang matamo at maitatag ang de factong kalayaan nito mula sa Republika ng China at hanggang 1945 upang kilalanin sa buong mundo ang kalayaan nito.
Ang kinahitnan, ito'y napasailalim sa malakas na impluwensiya ng mga Russian at Soviet; noong 1924 itinatag Mongolian People's Republic (Republika ng Mamamayang Mongolian), at tumulad ang politika sa Mongolia sa estilo at sistemang pampolitika ng mga Soviet noong mga panahong iyon. Matapos ang pagbagsak ng mga komunistang rehimen sa Silangang Europa noong huling bahagi ng 1989, nasaksihan nito ang sarili nitong Demokratikong Rebolusyon noong unang bahagi ng 1990, na nagresulta sa isang multi-partidong sistema, isang bagong konstitusyon noong 1992 at transisyon nito sa isang ekonomiyang pamilihan.
Sa lawak nitong 1,564,116 kilometro kuwadrado, ang Mongolia ay ang ika-19 na pinakamalaking bansa sa mundo at ang pinkamaluwang ang paninirahan sa populasyon nitong 2.75 milyong katao. Ito rin ang ikalawang pinakalamalaking bansa na lubos na napalilibutan ng kalupaan kasunod ng Kazakhstan. Kakaunti lamang ang sakahang-lupa ng bansa dahil malaking bahagi nito ay mga kaparangan, mga kabundukan naman sa hilaga at ang Disyerto ng Gobi sa timog. Humigit-kumulang 30 porsiyento ng populasyon ay lagalag at mga bahagyang-lagalag. Ang namamayaning relihiyon sa Mongolia ay ang Budismong Tibetan, at malaking bahagi ng mamamayan ng bansa ay etnikong Mongol, ngunit may mga Kazakh, Tuvan at iba pang mga minoryang pangkat ang rin naninirahan dito, lalo na sa kanluran. Mga 20 porsiyento naman ng populasyon nito ang nabubuhay na mas mababa sa US$1.25 kada araw.[5] Sumapi ang Mongolia sa World Trade Organization noong 1997 at naghahangad na mapalawak ang partisipasyon nito sa mga rehimeng pang-ekonomiya at pangkalakalang rehiyonal.[6]