Ang kultura ng Hilagang Amerika ay pinangingibabawan ng mga kultura ng Estados Unidos at ng Canada. Bilang malaking bahagi ng Hilagang Amerika, ang Estados Unidos ang nakapagbigay ng malaking impluwensiya sa maraming iba't ibang mga kultura sa buong mundo, at sa loob din ng kontinente ng Hilagang Amerika. Mayroong bahagya subalit tiyak na mga pagkakaiba sa kultura ng Estados Unidos at ng kultura ng Canada.[1]
Kultura ng Estados Unidos
Ang kultura ng Estados Unidos ay isang kahaluan ng orihinal na katutubong kultura at ng kulturang Europeo, na sa kalaunan ay naging isang natatangi at tanyag na kulturang tinatawag na kultura ng Estados Unidos o "kulturang Amerikano". Naging nangunguna sa mga kinagawian ng mundo ang kultura ng Estados Unidos hinggil sa sining, arkitektura, musika, panitikan, pelikula, at panulaan. Sa panitikan, naging tanyag ang mga manunulat ng Estados Unidos na katulad nina Henry David Thoreau, Edgar Allan Poe, Mark Twain, Emily Dickinson, at Ernest Hemingway. Sa larangan ng sayaw, napasikat ng Estados Unidos ang rock and roll at ang makabagong square dance. Sa pagtatanghal, naging tanyag ang teatro ng Broadway. Sa moda, isa sa mga pinakasikat na tatak na pangmaong na pinasimula ni Levi Strauss.[1]
Kultura ng Canada
Ang kultura ng Canada ay isang kahaluan ng impluwensiya mula sa kultura ng Britanya, Pransiya, katutubong kulturang sinauna at nakaugalian, at kultura ng Estados Unidos. Sa panitikan, ang panitikan ng Canada ay nasusulat sa mga wikang Pranses at Ingles. Sa teatro, mayroong mga kapistahang pangteatro ang Canada na katulad ng Stratford Festival at ng Shaw Festival na ginaganap kapwa sa Ontario, Canada. Sa larangan ng sining, nagsimula ang pagsulong ng sining sa Canada magmula noong kaagahan ng ika-20 daantaon at yumabong lalo noong pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa musika, naimpluwensiyahan ang musika ng Canada ng mga estilong Europeo, Pranses, at Seltiko.[1]
Mga sanggunian