Akle
| Akle | |
|---|---|
| Herbaryong sipi ng Albizia acle | |
| Pag-uuring siyentipiko | |
| Kaharian: | Plantae |
| Klado: | Tracheophytes |
| Klado: | Angiosperms |
| Klado: | Eudicots |
| Klado: | Rosids |
| Orden: | Fabales |
| Pamilya: | Fabaceae |
| Subpamilya: | Caesalpinioideae |
| Klado: | Mimosoid clade |
| Henero: | Albizia |
| Espesye: | A. acle
|
| Pangalang dalawahan | |
| Albizia acle (Blanco)
| |
| Kasingkahulugan[1] | |
|
Mimosa acle Blanco | |
Ang akle[2] (pangalang siyentipiko: Albizia acle) ay isang uri ng namumulaklak na halaman na kabilang sa pamilya ng Fabaceae (pamilyang legumbre). Katutubo ito sa Pilipinas at sa ilang bahagi ng Timog-silangang Asya,[3][4] at kilala bilang isang mahalagang katamtamang laking punongkahoy sa mga kagubatang mababa ang elebasyon. Bahagi ito ng genus Albizia, na binubuo ng iba’t ibang uri ng mga punong pantropiko na may kakayahang mag-ayos ng nitroheno sa lupa.
Ang punong akle ay karaniwang umaabot sa taas na 25 hanggang 30 metro at diyamtreo na 170 hanggang 120 sentimetro,[5] na may tuwid at matibay na puno at malapad na korona. Ang balat nito ay kulay abo hanggang kayumanggi at maaaring maging magaspang habang tumatanda. Ang mga dahon nito ay bipinnate o dobleng tambalan, kung saan ang bawat dahon ay nahahati pa sa mas maliliit na dahon na nakaayos nang pares. Bilang isang namumulaklak na halaman, ang akle ay nagbubunga ng maliliit na bulaklak na karaniwang puti hanggang kremang kulay, na tumutubo sa kumpol at may bahagyang halimuyak. Ang mga bulaklak na ito ay mahalaga sa reproduksiyon ng halaman at nagsisilbing atraksyon sa mga kulisap na tumutulong sa polinasyon. Ang bunga nito ay isang pahabang kapsula (pod) na naglalaman ng mga buto, na karaniwang katangian ng mga kasapi ng Fabaceae.
Matatagpuan ang Albizia acle sa mga likas na kagubatan ng Pilipinas,[6] lalo na sa mga gubat na dipterokarpyo sa mababang lugar. Ito raw ay may primong kahoy dahil mukha daw itong nuwes (walnut).[7] Mas pinipili nito ang mga lugar na may sapat na sikat ng araw at katamtaman hanggang mataas na dami ng ulan. Tulad ng ibang legumbre, ang akle ay may kakayahang makipag-ugnayan sa mga bakterya sa ugat upang makapag-ayos ng nitroheno mula sa atmospera, na nakatutulong sa pagpapayaman ng lupa at sa pagpapanatili ng balanse ng ekosistema.
Sa aspektong pang-ekonomiya, pinahahalagahan ang akle dahil sa kahoy nito na matigas, mabigat, at matibay. Ginagamit ito sa paggawa ng muwebles, sahig, poste, at iba pang materyales sa konstruksiyon.[4] Dahil sa kalidad ng kahoy nito, itinuturing itong isang mahalagang espesye ng troso sa Pilipinas. Gayunman, ang labis na pagtotroso at pagkawala ng tirahan ay nagdudulot ng pagbaba ng populasyon nito sa ilang lugar, kaya't mahalaga ang mga hakbang sa konserbasyon at muling pagtatanim.
Matatagpuan ang akle sa maraming bahagi ng bansang Pilipinas. Partikular na matatagpuan ito sa mga mamasa-masang kagubatang mababang lugar mula sa antas-dagat hanggang 150 metro.[4] Nakikita ito sa hilagang Luzon hanggang Palawan at Negros, gayundin sa Albay, Bataan, Bulacan, Camarines Norte, Camarines Sur, Capiz, Cebu, Davao, Ilocos Norte, Masbate, Mindoro Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Surigao, Tarlac, at Zambales.[4]
Informasi ini disarikan dari Wikipedia dan disajikan kembali untuk tujuan edukasi. Konten tersedia di bawah lisensi CC BY-SA 3.0. Kami tidak bertanggung jawab atas ketidakakuratan data yang bersumber dari kontribusi publik tersebut.